Friday, June 13, 2008

There's something about Bihon. Medyo natatawa ako sa sarili ko habang sinusulat ito, di naman ako gutom at natatakaw dito. Subalit kung meron mang isang pagkain na hinding-hindi ko pagsasawaan kesehodang araw-arawin ko pa ito, iyon ay walang iba kundi ang bihon. Hindi ko rin naman masabi kung ano ang nagustuhan ko dito, wala naman akong pinipili eh, espesyal o ordinaryong luto man, gusto ko pa rin. Sa totoo lang, noong nasa hayskul ako at madalas ay nagpupunta kami sa mga piyesta, madalas sa hindi, sa dami ng bahay na pinupuntahan, sa unang bahay lang kami kumakain ng ulam at kanin at sa ikalawang bahay hanggang sa huli, panghimagas na lang ang kinakain ng mga kasama ko. Sila
yun. Ako hindi. Lahat ng bahay, may isang luto sila na kinakain ko. Nahulaan mo, bihon. Walang bahay na hindi ko tinitikman ang bihon nila. Wala akong pakialam sa leche flan, buco salad, gelatin, o ano pa mang matamis. Kaya nga siguro, panahon na para magsulat naman ako tungkol dito.

Wala na nga ni munting alinlangan na paborito ko ito, pero umabot ako ng edad na dalawampu't pitong taon na di ko nasubukang magluto nito. Ngayon lang. Naisip ko kasi, siguro naman dapat na akong magsumikap na matutong magluto nito. Kaya medyo kabado ako ng napagdesisyunan kong subukang magluto sa unang pagkakataon. At talagang pinaghandaan ko ito. Humingi ako ng recipe sa kakilala kong nakapagtrabaho sa Chowking at tinanong ko ang mga sangkap at
proseso ng pagluluto nila. Kahit hindi man eksaktong nasunod ang mga hakbang, naging matagumpay pa rin ang resulta.Yun nga lang inabot yata ako ng ilang oras. Kasi ba naman, sa paghiwa pa lang ng carrots, baguio beans at cabbage, inabot na ako ng siyam-siyam. At ganun pala pag ikaw ang nagluluto, parang nawawalan ka ng tiwala sa sarili mong panlasa. Pakiramdam ko kasi di pa rin sya masarap nung malapit ko na syang hanguin, panay ang dagdag ko ng Knorr Ginisa Mix, napapraning ako. Ganunpaman, sulit na rin ang pagod at agam-agam sapagkat naging masarap naman ang kinalabasan nito.Nasasabik na tuloy akong magbakasyon sa amin at nang maipangalandakan ko sa aking mga magulang na marunong na akong magluto ng bihon. Yayayain ko silang magbeach at magboboluntaryo akong magluto nito at ng iba pang lutuin na natutunan kong gawin sa maikling panahon ng pamamalagi ko dito sa Pampanga. Pero
diyata't malabong mangyari ito. Sa tagal ng oras na gugugulin ko sa pagluluto, baka dapithapon na di pa kami nakakaalis ng bahay. Hhhmmpp... maghihintay na lang ako ng espesyal na okasyon.

Disclaimer: Whew! Thought I'd have a hard time finding a good pic for this. Didn't even take 3 secs. This pic is hosted here http://www.flickr.com/photos/kenilio/144023862/ . Thanks Flipped Out!

No comments: